Kinasusuklaman ko ang nakaraang linggo dahil sa mga sunud-sunod na kamasalang nangyari sa akin. Higit sa matinding sakit na natamo ko noong simula ng linggo, at ang sapilitang paggamit ng aking credit card upang makabili ng gamot at pagkain dahil wala na akong natirang pera, ikinainit ng ulo ko ang pagkaubos ng gasul sa aming kusina. Ang masama pa nito, ang mga pinamili kong pagkain ay lutuin lahat bago it pwedeng kainin.
Nabanggit sa akin ng aming landlord na wala raw stock ang taga-supply nila ng LPG (Liquified Petroleum Gas). Nakuwento rin ng kasama ko sa tirahan na lumabas daw sa balita na tinatago daw ng mga malalaking suppliers ng gasul ang kanilang stock ng LPG upang hintayin ang pagtaas ng presyo nito. Nabasa ko rito na hindi raw totoo ang kumakalat na balitang nauubusan/tinatago ang mga LPG supply sa mga tagapamili. Kung ganoon, bakit wala pa rin kaming gasul hanggang ngayon? Humingi na ako ng paumanhin sa aking landlord sa pangungulit sa kanya kung kailan kami magkakaroon ng bagong gasul, pero hindi ko lang talaga mapigilan.
Ngayon, nabasa ko rito na nagtaas nanaman ang presyo ng LPG. Ngayong natupad ang pagtaas ng presyo ng LPG, malamang bigla nang maglalabasan ang mga supply ng gasul na ISANG LINGGO naming hinihintay. At sabi rito, posibleng tumaas pa ang presyo ng LPG sa susunod na buwan. Hindi pa ba sila masaya na halos isang linggo akong nagkanda-gutom dahil hindi ako makapagluto? Sana naman, isipin nila na nasasayang din ang pagkain kahit nilalagay ito sa ref. Mas malaking pera ang nasasayang sa ginagawa nilang kalokohan.
Naisip ko tuloy na bumili ng de-kuryenteng lutuan para lang maiwasan ang mga ganitong suliranin. Pero naisip ko rin na posibleng abusuhin naman ng kumpanya ng kuryente ang mga pagkakataong tulad nito.
‘Wag na lang kaya ako kumain. Leche.